Surah 33 · Juz 22

Al-Ahzab · 33:53

يَا أَيُّهَا الَّذِينَ آمَنُوا لَا تَدْخُلُوا بُيُوتَ النَّبِيِّ إِلَّا أَنْ يُؤْذَنَ لَكُمْ إِلَىٰ طَعَامٍ غَيْرَ نَاظِرِينَ إِنَاهُ وَلَٰكِنْ إِذَا دُعِيتُمْ فَادْخُلُوا فَإِذَا طَعِمْتُمْ فَانْتَشِرُوا وَلَا مُسْتَأْنِسِينَ لِحَدِيثٍ ۚ إِنَّ ذَٰلِكُمْ كَانَ يُؤْذِي النَّبِيَّ فَيَسْتَحْيِي مِنْكُمْ ۖ وَاللَّهُ لَا يَسْتَحْيِي مِنَ الْحَقِّ ۚ وَإِذَا سَأَلْتُمُوهُنَّ مَتَاعًا فَاسْأَلُوهُنَّ مِنْ وَرَاءِ حِجَابٍ ۚ ذَٰلِكُمْ أَطْهَرُ لِقُلُوبِكُمْ وَقُلُوبِهِنَّ ۚ وَمَا كَانَ لَكُمْ أَنْ تُؤْذُوا رَسُولَ اللَّهِ وَلَا أَنْ تَنْكِحُوا أَزْوَاجَهُ مِنْ بَعْدِهِ أَبَدًا ۚ إِنَّ ذَٰلِكُمْ كَانَ عِنْدَ اللَّهِ عَظِيمًا

O mga sumampalataya, huwag kayong pumasok sa mga bahay ng Propeta malibang magpahintulot siya sa inyo sa pagkain na hindi mga naghihintay sa pagkaluto nito. Subalit kapag inanyayahan kayo ay pumasok kayo; at kapag nakakain na kayo ay maghiwa-hiwalay kayo nang hindi mga naghahalubilo para sa isang pag-uusap. Tunay na iyon ay nakasasakit noon sa Propeta ngunit nahihiya siya sa inyo, samantalang si Allāh ay hindi nahihiya sa katotohanan. Kapag humiling kayo sa kanila [na mga maybahay niya] ng isang kailangan ay humiling kayo sa kanila mula sa likuran ng isang tabing. Iyon ay higit na dalisay para sa mga puso ninyo at mga puso nila. Hindi naging ukol sa inyo na manakit kayo sa Sugo ni Allāh ni mag-asawa kayo ng mga maybahay niya mula nang wala na siya magpakailanman. Tunay na iyon laging sa ganang kay Allāh ay sukdulan.

Tafsir

O mga sumampalataya kay Allāh at gumawa ayon sa isinabatas Niya para sa kanila, huwag kayong pumasok sa mga bahay ng Propeta malibang matapos na magpahintulot siya sa inyo sa pagpasok sa mga iyon sa pamamagitan ng pag-anyaya sa inyo sa isang pagkain. Huwag kayong magpatagal ng pag-upo habang naghihintay sa pagkaluto ng pagkain, subalit kapag inanyayahan kayo sa isang pagkain ay pumasok kayo. Kapag nakakain na kayo ay lumisan kayo at huwag kayong mamalagi matapos niyon habang nakikipagpalagayang-loob ang iba sa inyo sa isang pakikipag-usap sa iba pa. Tunay na ang pamamalaging iyon ay nakasasakit sa Propeta – basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan – ngunit nahihiya siya na hilingin sa inyo ang lumisan. Si Allāh ay hindi nahihiya na mag-utos ayon sa katotohanan, kaya nag-utos Siya sa inyo na lumisan upang hindi kayo makasakit sa kanya – basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan – dahil sa pamamalagi. Kapag humiling kayo sa mga maybahay ng Propeta – basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan – ng isang kinakailangan tulad ng kaldero at kauri nito ay humiling kayo ng kinakailangan ninyo mula sa likuran ng isang takip. Huwag kayong humiling niyon sa kanila nang harapan upang hindi makakita sa kanila ang mga mata ninyo bilang pangangalaga para sa kanila dahil sa kalagayan ng Sugo ni Allāh – basbasan siya ni Allāh at batiin ng kapayapaan. Ang paghiling na iyon mula sa likuran ng takip ay higit na dalisay para sa mga puso ninyo at higit na dalisay para sa mga puso nila upang hindi manuot ang demonyo sa mga puso ninyo at mga puso nila sa pamamagitan ng panunulsol at paggagayak sa nakasasama. Hindi nararapat para sa inyo, O mga mananampalataya, na makasakit kayo sa Sugo ni Allāh sa pamamagitan ng pamamalagi para sa pag-uusap ni na mag-asawa kayo ng mga maybahay niya matapos ng kamatayan niya sapagkat sila ay mga ina ng mga mananampalataya at hindi pinapayagan para sa isang [tao] na mag-asawa ng ina niya. Tunay na ang pananakit na iyon – na kabilang sa mga anyo nito ay ang pag-aasawa ninyo ng mga maybahay niya matapos ng kamatayan niya – ay bawal at itinuturing sa ganang kay Allāh na isang kasalanang sukdulan.

Buksan sa mambabasa - Basahin ang buong surah