Surah 2 · Juz 2
Al-Baqarah · 2:196
وَأَتِمُّوا الْحَجَّ وَالْعُمْرَةَ لِلَّهِ ۚ فَإِنْ أُحْصِرْتُمْ فَمَا اسْتَيْسَرَ مِنَ الْهَدْيِ ۖ وَلَا تَحْلِقُوا رُءُوسَكُمْ حَتَّىٰ يَبْلُغَ الْهَدْيُ مَحِلَّهُ ۚ فَمَنْ كَانَ مِنْكُمْ مَرِيضًا أَوْ بِهِ أَذًى مِنْ رَأْسِهِ فَفِدْيَةٌ مِنْ صِيَامٍ أَوْ صَدَقَةٍ أَوْ نُسُكٍ ۚ فَإِذَا أَمِنْتُمْ فَمَنْ تَمَتَّعَ بِالْعُمْرَةِ إِلَى الْحَجِّ فَمَا اسْتَيْسَرَ مِنَ الْهَدْيِ ۚ فَمَنْ لَمْ يَجِدْ فَصِيَامُ ثَلَاثَةِ أَيَّامٍ فِي الْحَجِّ وَسَبْعَةٍ إِذَا رَجَعْتُمْ ۗ تِلْكَ عَشَرَةٌ كَامِلَةٌ ۗ ذَٰلِكَ لِمَنْ لَمْ يَكُنْ أَهْلُهُ حَاضِرِي الْمَسْجِدِ الْحَرَامِ ۚ وَاتَّقُوا اللَّهَ وَاعْلَمُوا أَنَّ اللَّهَ شَدِيدُ الْعِقَابِ
Lubusin ninyo ang ḥajj at ang `umrah para kay Allāh ngunit kung nahadlangan kayo ay [mag-alay ng] anumang madaling nakamit na handog. Huwag kayong mag-ahit ng mga ulo ninyo hanggang sa umabot ang handog sa pinag-aalayan dito. Ang sinumang kabilang sa inyo ay maysakit o sa kanya ay may isang pinsala sa ulo niya ay [magbibigay ng] isang pantubos na pag-ayuno o isang kawanggawa o isang alay. Kung natiwasay kayo, ang sinumang nagsagawa ng `umrah na pinasusundan ng ḥajj ay [mag-aalay ng] anumang madaling nakamit na handog. Ngunit ang sinumang hindi nakatagpo ay [magsasagawa ng] pag-aayuno ng tatlong araw sa ḥajj at pitong [araw] kapag nanumbalik kayo; iyon ay ganap na sampu. Iyon ay ukol sa sinumang ang mag-anak niya ay hindi mga nakadalo sa [paligid ng] Masjid na Pinakababanal. Mangilag kayong magkasala kay Allāh at alamin ninyo na si Allāh ay Matindi ang pagpaparusa.
Tafsir
Isagawa ninyo nang lubusan ang ḥajj at ang `umrah habang mga naghahangad [ng kaluguran] ng mukha ni Allāh – pagkataas-taas Siya. Ngunit kapag napigilan kayo sa paglubos ng mga ito dahil sa isang sakit o isang kaaway o tulad niyon, kailangan sa inyo ng pagkakatay ng anumang madaling nakamit na handog gaya ng mga kamelyo o mga baka o mga tupa upang makakalas kayo mula sa iḥrām ninyo. Huwag kayong mag-ahit ng mga ulo ninyo o magpaikli ng buhok ng mga ito hanggang sa umabot ang handog sa pinaglalagyan na ipinahihintulot doon ang pagkakatay nito. Ngunit kung siya ay napigilan [sa pagpasok] sa Ḥaram, magkatay siya saanman napigilan. Kung siya ay hindi napigilan [sa pagpasok] sa Ḥaram, magkatay siya sa Ḥaram sa Araw ng Pag-aalay at sa matapos nito sa mga araw ng Tashrīq. Ang sinumang kabilang sa inyo na maysakit o sa kanya ay may isang pinsala sa buhok ng ulo niya gaya ng kuto o tulad nito kaya nag-ahit siya ng ulo niya dahilan doon, walang maisisisi sa kanya. Kailangan sa kanya na tumubos nito kapalit niyon, na maaaring sa pamamagitan ng pag-ayuno ng tatlong araw o sa pamamagitan ng pagpapakain ng anim na dukhang kabilang sa mga dukha ng Ḥaram o sa pamamagitan ng pagkakatay ng isang tupang ipamamahagi sa mga maralita ng Ḥaram. Kaya kapag kayo ay hindi mga nangangamba, ang sinumang nagtamasa kabilang sa inyo ng `umrah sa mga buwan ng ḥajj at nagpatuloy sa pagkabawal sa kanya mula sa mga ipinagbabawal sa iḥrām hanggang sa magsagawa siya ng iḥrām sa ḥajj ng taon na ito, magkatay siya ng anumang madaling makamit para sa kanya na isang tupa o makilahok siya sa pitong tao sa pagkakatay ng isang kamelyo o isang baka. Ngunit kapag hindi siya nakakaya sa pag-aalay, kailangan sa kanya ang pag-aayuno ng tatlong araw sa mga araw ng mga pag-aalay bilang kapalit dito at kailangan sa kanya ang pag-aayuno ng pitong araw matapos ng pagbabalik niya sa mag-anak niya upang ang kabuuan ng mga araw ay maging lubos na sampung araw. Ang [iḥrām na] tamattu` na iyon kalakip ng pagkakailangan ng alay o pag-aayuno para sa walang-kakayahan sa pag-aalay ay para sa hindi mga naninirahan sa Ḥaram at sinumang naninirahan sa malapit sa Ḥaram. Mangilag kayong magkasala kay Allāh sa pamamagitan ng pagsunod sa isinabatas Niya at ng pagdakila sa mga hangganan Niya. Alamin ninyo na si Allāh ay matindi ang parusa sa sinumang lumabag sa utos Niya.
Buksan sa mambabasa - Basahin ang buong surah